Daming nag-aabogado ngayon para kay Zaldy Co - kesyo pwede raw siyang mag-seek ng political asylum
PRESS STATEMENT
ACT Teachers Rep. Antonio Tinio April 21, 2026
House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-List Rep. Antonio Tinio on Zaldy Co:
Daming nag-aabogado ngayon para kay Zaldy Co — kesyo pwede raw siyang mag-seek ng political asylum para maiwasan o maantala ang posibleng deportation niya mula sa umano’y detention sa Czech Republic.
Kinokondisyon ba ang utak ng publiko na hindi agad maibabalik si Co sa Pilipinas para humarap at managot sa flood control corruption scandal?
Sa totoo lang, kahit pinangunahan ni Pang. Marcos Jr. ang pag-anunsyo sa pagsabat kay Co, tiyak na hindi siya matutuwa sa di inaasahang pagbalik nito. Tinuro ni Co si Pang. Marcos mismo bilang direktang nag-utos ng Php 100 bilyon insertion sa 2025 national budget, at maging ang susing papel ni dating Usec. Adrian Bersamin bilang taga-areglo at bagman ng Pangulo. Sinabi niyang nagbigay siya ng Php 25 bilyon kickback sa Pangulo, bagay na sinegundahan ng testimonya ni former DPWH Usec. Bernardo, na nagbigay umano ng Php 8 bilyon kickback para sa Pangulo.
Sa madaling sabi, muling mabubuksan at masisiwalat ang mga katotohanan sa flood control scam na pilit na pinagtatakpan ng Malacañang, kaya hindi tayo magtataka kung hindi madaliin ng administrasyon ang pagbabalik sa bansa ni Zaldy Co. ###