Statement on First Hearing on the Impeachment of Vice President Sara Z. Duterte
Deputy Minority Leader
March 2, 2026
Madam Chair, mga kinatawan at mga kababayan:
Noong July 2022, kakapanalo pa lang ng Uniteam sa pambansang eleksyon, bago pa man uminit ang kanyang upuan, humingi na agad si VP Duterte ng Confidential Funds (CF) sa Malacanang. Ssa kabila ito ng katotohanang ayon sa tradisyon at batas, walang CF ang Office of the Vice President, at lalong walang CF ang Department of Education. Ngunit dahil panahon pa iyon ng “UniTeam”—ang alyansang binuo pag-isahin ang alyanang Marcos at Duterte—hinugot ng Pangulo ang Php 125 million mula sa kanyang discretionary fund para ibigay sa kanyang Bise.
Noong December 20, 2022, inisyu ng DBM ang tseke sa OVP. At sa loob lamang ng labing-isang (11) araw—sa gitna ng Pasko at Bagong Taon—iniulat ng OVP na simot na ang Php 125 million. Isang daan at dalawampu’t limang milyong piso, nilustay sa loob ng 11 araw? Insulto ito sa milyun-milyong Pilipinong nagkukumahog araw-araw para lamang may maihain sa kanilang hapag-kainan.
Hambog na pananahimik at pag-iwas (“asal pusit”) ang naging tugon ni VP Duterte nang usisain ito ni ACT Teachers Rep. France Castro (na complainant ngayon) noong 2023 budget deliberations. Ngunit hindi masusupil ang katotohanan. Ang Commission on Audit (COA) mismo ang naglabas ng Notice of Disallowance para sa Php 73 million ng pondong ito. At sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara, tumambad ang mas malawak na anomalya: aabot sa Php 612.5 million ang kabuuang CF ng OVP at DepEd na nababalot ng duda mula 2022 hanggang 2023.
Nakakita tayo ng mga “dubious accomplishment reports” at mga pekeng resibo. Sino ang makakalimot kay “Mary Grace Piattos”? Isang pangalang hindi matagpuan sa kahit anong rekord ng gobyerno, ngunit ginamit para pirmahan ang paglabas ng pondo ng bayan. Ito ay isang malinaw na panloloko at pambabastos sa proseso ng audit.
Batay sa mga ebidensyang ito, maliwanag na dapat ma-impeach si VP Duterte sa batayan of Betrayal of Public Trust dahil sa: Gross abuse of discretionary powers sa paggamit ng mahigit Php 612.5 million na pondo; Gross disregard of transparency and accountability sa pamamagitan ng pag-uutos sa mga tauhan niya sa OVP at Deped na gumawa ng mga pekeng dokumento, accomplushment reports, at resibo; at Dereliction of official duty dahil sa harap-harangang pagtanggi sa oversight powers ng Kongreso. Sa harap ng mga akusasyong ito, ano ang naging tugon ng Bise Presidente? Paiba-iba. Noong una, sinabi niyang ginamit daw ang CF para sa “national security” at counter-insurgency dahil magkaugnay daw ang national security at education. Nang magbitiw sa Gabinete, sinabi niyang ginamit daw ang pondo para imbestigahan ang “laptop deal” sa DepEd—bagay na itinanggi mismo ng kanyang sariling mga opisyal.
Ngayong wala na siyang maipalusot, ginagamit niya ang huling alas: ang “politika.” Sinasabi niyang ang impeachment na ito ay pakana lamang ng kanyang mga karibal para harangin ang kanyang inanunsyong pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Ngunit tandaan natin: dahil inialok niya ang sarili para sa pinakamataas na posisyon sa bansa, lalong dapat siyang isalang sa matinding pagsusuri. At ano ang makikita natin sa kanyang track record? Kung tatanggalin ang tatak ng kanyang ama, kung huhubaran ang “Duterte brand,” walang maiiwang personal na tagumpay o outstanding accomplishment. Ang tanging markang iniwan niya sa kanyang unang pagkakataon sa ikalawangmataas na opisina ay ang pinakamalaking anomalya sa Confidential Funds sa kasaysayan ng bansa.
Hindi “politika” ang paniningil sa 612.5milyon winaldas na pondo. Hindi “politika” ang paghingi ng hustisya para sa mga guro, estudyante, at mamamayan na pinagkaitan ng edukasyon at ibang serbisyo dahil dinala ang pondo sa winaldas na CF. Ang tunay na politika ay ang paggamit ng posisyon para protektahan ang sarili mula sa pananagutan.
Public office is a public trust. At kapag ang tiwalang iyan ay nilapastangan, kapag ang kaban ng bayan ay ginawang personal na piggy bank, wala nang ibang nararapat na hatol kundi ang pagpapatalsik.
Dapat siyang ma-impeach. Maraming salamat.